-- Advertisements --

Nagpadala na ng subpoena ang House Committee on Justice sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para sa nakatakdang pagdinig sa Miyerkules, April 22, 2026.

Sa naturang dokumento, inaatasan ng komite si AMLC Chairman Eli M. Remolona Jr. na dumalo sa nakatakdang pagdinig at magsumite ng report ukol sa umano’y kahina-hinalang bank transactions nina Vice President Sara Duterte-Carpio at ng kaniyang mister na si Atty. Manases Carpio.

Kasama rin dito ang lahat ng investigation report atbpang dokumento na may kaugnayan sa mga nabanggit na ‘kahina-hinalang bank transactions’.

Saklaw nito ang taong 2006 hanggang 2025.

Katwiran ng justice panel, ang presensiya ng AMLC sa naturang hearing ay mahalaga upang masuri ang mga naturang report na pangunahing iniuugnay sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ng pangalawang pangulo na posibleng hindi nakalagay sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.

Sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon sa panig ni Remolona kung dadalo siya sa April-22 hearing, ang ikatlong pagdinig na isasagawa ng komite.

Kabilang sa mga inaabangang dadalo bukas ay si Ombudsman Jesus Crispin Remulla o ng kaniyang kinatawan; dating Sen. Antonio Trillanes, kinatawan ng Bureau of Internal Revenue, atbpa. (Report by Bombo Genesis)