-- Advertisements --

MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng maayos na sistema sa distribusyon ng COVID-19 vaccines.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga ulat na may ilang vaccination sites ang mabilis napupuno ng mga gustong magpabakuna.

“This is a possible superspreader event lalo na kung kumpulan ng tao at enclosed yung space ng pagbibigay ng bakuna,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, nakausap na nila ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Interior and Local Government para sa wastong roll out ng COVID-19 vaccines sa komunidad.

Inirerekomenda ng DOH sa mga LGU’s na magpatupad ng “scheduled vaccination” para hindi dumugin ng publiko ang mga vaccination sites.

“We also have reminded our local governments na magkaroon ng scheduling para hindi nagkukumpul-kumupulan ang mga kababayan kapag nagpapabakuna.”

Batay sa huling tala ng ahensya, higit 1.1-million na ang nabakunahan laban sa COVID-19. Malaking porsyento raw nito ang mula sa hanay ng healthcare workers at may comorbidity.

Maliit naman ang bilang ng mga nabakunahan na senior citizen dahil ubos na ang supply ng bansa sa AstraZeneca vaccines.

“Wala pa talaga yan sa target pero ang maganda ay nakapag-umpisa na tayo at sa mga susunod na araw we will be implementing the speed at palalawigin ang ating pagbabakuna.”

Inamin ni Vergeire na magbubukas ng “mega vaccination sites” ang pamahalaan para mas marami pang matuturukan ng COVID-19 vaccines.