Kinilala ng Department of Health (DOH) ang patuloy na pagsisikap para sa legalisasyon ng medical cannabis subalit binibigyang-diin ang pagkakaiba nito mula sa recreational use ng marijuana.
Sinabi din ng ahensiya na anumang inisyatibo kaugnay sa legalisasyon ng medical marijuana ay dapat aniyang nakabatay sa scientific evidence, maiging sinusuri ang pagiging epektibo nito at dapat na tinasang mabuti para sa posibleng epekto nito sa kalusugan ng publiko.
Bukod dito, binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang sa regukatory capacity ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno na sangkot sa pagpapatupad at pangangasiwa ng naturang panukalang batas.
Gayunpaman, sinabi ng DOH na hindi nila ini-endorso ang alinmang pagtatanim ng cannabis o paggawa ng mga produktong cannabis.
Bilang paalala sa publiko, iginiit ng DOH na ang paggamit ng marijuana ay nananatiling iligal sa ilalim ng kasalukuyang batas ng Pilipinas maliban kung ang mga indibidwal ay nabigyan ng compassionate special permit (CSP) na pinirmahan ng Director General ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang permit na ito ay magpapapahintulot sa paggamit at pag-angkat ng mga produktong medical marijuana sa bansa.
Tiniyak naman ng DOH sa publiko na ang anumang mga update o development tungkol sa paggamit ng medical cannabis ay agaran nilang ipapaalam.
Ginawa ng DOH ang naturang pahayag kasunod ng tinuran ni FDA chief Samuel Zacate na bukas siya sa legalisasyon ng medical marijuana sa bansa. (With reports from Bombo Everly Rico)