Naglabas ng ilang paalala ang Department of Health (DOH) hinggil sa kahalagahan ng pagdodonate ng dugo, lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito ay kasabay ng pagdiriwang sa World Blood Donor Day sa Linggo, June 14.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, mahalagang may sapat na supply ng dugo sa mga ospital at blood bank dahil tiyak na marami ang mangangailangan nito sa panahon ngayon.

Maagang nagbigay ng pugay ng DOH sa mga volunteer blood donors at hinimok ang karamihan na makiisa rin sa blood donation campaign ng kagawaran.

“Kabilang sa essential health services natin ay ang pagsisiguro na mayroon tayong adequate supply of blood sa ating mga ospital at mga health facilities.”

“Marami sa ating mga kababayan ang nakasalalay sa steady supply ng dugo sa mga ospital at kung sakaling maubusan ay hindi na sila makakayanang suportahan pa. Kaya importanteng na siguruhing patuloy ang pagpasok ng new and fresh blood supply, dahil sa araw-araw ay malaki ang nagagamit ng mga pasyente at ng iba’t-ibang health care services.”

Ayon sa program manager ng National Voluntary Blood Services Program ng DOH na si Marites Estrella, isang simultaneous virtual zumba exercise ang ilulunsad nila para sa mga blood donor volunteers sa Linggo.

Iikot sa temang “Safe blood save lives” ang pagdiriwang ng World Blood Donor day. Sa nasabing araw, target ng ahensya na ipalaganap ang kahalagahan ng isang blood donor sa mga nangangailangan ng dugo.

DOH WBD 1
IMAGE | Schedule of activities on June 14, World Blood Donor Day/Screengrab from DOH presser

Kasabay nito, may mga web seminar din daw na aasahan sa mga susunod araw bilang bahagi rin ng 8th National Blood Summit.