MANILA – Pwedeng magpaturok ng COVID-19 vaccine ang mga taong umiinom ng gamot na ivermectin.
Ito ang nilinaw ng Department of Health (DOH) sa gitna ng patuloy na pag-rolyo ng bansa sa coronavirus vaccines, at debate sa paggamit ng ivermectin laban sa COVID-19.
“Walang problema kung uminom ka ng ivermectin, kailangan kung ikaw ay scheduled sa vaccination, have your vaccination,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, maaari namang tumanggap ng bakuna ang kahit sinong umiinom ng mga gamot.
“Go and get your vaccines even you’re taking of these drugs.”
Binigyang diin ni Vergeire na sa ngayon wala pang matibay na ebidensyang epektibo at ligtas panlaban sa COVID-19 ang ivermectin, na isang uri ng anti-parasitic drug o pampurga.
Hindi rin daw inirerekomenda ng DOH ang paggamit ng kahit anong treatment sa coronavirus na hindi pa napapatunayang mabisa, at nasa ilalim pa lang ng pag-aaral.
Nitong araw inamin ng Food and Drug Administration (FDA) na isa pang ospital ang nagawaran ng compassionate special permit para mag-reseta ng ivermectin sa kanilang mga pasyente ng COVID-19.