Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) ang proseso kung paano nila hinahawakan ang mga datos ng COVID-19 cases, matapos ma-delay ng isang araw ang pag-uulat sa mga kaso ng sakit kahapon, July 12.
“Paulit-ulit na namin sinabi na ang DOH ang official repository ng data na sinasubmit sa atin ng ating laboratoryo, local government units at mga ospital. Sila ay nagsusumite sa ating regional office or dito sa central office,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Tatlong sources daw ang pinanggagalingan ng mga datos na nakakalap ng ahensya: ang mga licensed laboratories para sa confirmed cases; local government units at ospital naman para sa recovery at death cases.
“For deaths, dahil alam natin na magtatagal ang death certificate, kina-kailangan na kompleto ang date of death at cause of death bago ito ma-record. Ito ay para maiwasan ang mis-tagging, or sinabing patay pero hindi pala.”
“For recoveries naman, yun lamang mga nareport na recovered higit 14 na araw mula ng sila ay nagkasakit o nakuhanan ng swab ang naiiwang naka-tag as recovered.”
Sa nakalipas na mga linggo, nagkaroon daw ng panibagong data reconciliation effort ang DOH kasama ang regional offices para masigurong lahat ng COVID-19 cases ay naisasama sa report ng ahensya.
Bukod pa raw ito sa malawakang pangangalap ng mga datos noong Mayo na nagbunga sa inireport ng “fresh” at “late” cases kamakailan.
Ayon kay Vergeire, nakatulong sa bagong reconciliation effort ng ahensya ang training para sa mas marami nang COVIDKAYA users, na ngayon ay nasa 3,714 na. Pati na ang deployment ng COVID-19 Document Repository System na siyang pinagsasalinan ng case investigation forms at listahan ng pasyente sa mga laboratoryo.
Ang mga local government units naman ay kinausap para magsumite ng update sa estado ng kanilang confirmed cases na nagpapagaling pa.
Ani Vergeire, ang mga hakbang na ito ang magdidikta nang malinaw na sitwasyon ng COVID-19 cases mula nang pumutok ang pandemic. Nanindigan din ang opisyal na natutugunan na ng ahensya ang ilang issue sa pag-aayos ng mga datos.
“We have significant improvements in the data management system. Our partners are reporting more timely and more complete data. And our delays in reporting lag are getting shorter. we will continue to have increased reporting of recoveries and deaths – which will lower our active cases.”
Sa ngayon umabot na sa 56,259 ang kabuuang bilang ng confirmed cases sa bansa dahil sa 2,124 na mga bagong kaso ng sakit.