Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi sila magpapataw ng takdang presyo o price cap para sa COVID-19 tests.
Pahayag ito ng ahensya matapos maglabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nakasaad ang pagkakaroon ng wasto at angkop na presyo sa pagpapa-test ng publiko sa coronavirus.
“Ayon po sa Executive Order No. 118: Directing the Department of Health, in Coordination with the Department of Trade and Industry, to Ensure Accessibility and Affordability of COVID-19 Tests and Test Kits, ang DOH at DTI po ay naatasan upang magpatupad ng price range mula sa maximum (ceiling) at minimum (floor) price para po sa COVID-19 testing at mga test kits.”
Pinag-aaralan na raw ng DOH at Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpapatupad ng price range sa COVID-19 test. May mga modelo na rin daw silang ikinokonsidera para sa pagpapatupad ng kautusan ng pangulo.
Ilan dito ang MDRP model, suggested retail price (SRP) at ang tinatawag na “RITM Costing using the WHO laboratory costing tool.”
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na posibleng sa susunod na linggo ilabas ng dalawang ahensya ang price range at mga polisiya nito sa pagpe-presyo ng COVID-19 test.
“Ang pinagta-trabahuan namin ngayon at possibly over the weekend itong prices. May survey tayo na kinuha at mayroon tayong ginamit na laboratory costing tool na hiniram sa WHO, at tinitingnan natin ang presyo ng testing kits para accurate ang ating estimation.” (with reports from Reymund Tinaza)