-- Advertisements --

MANILA – Nakikipag-ugnayan na raw ang Department of Health (DOH) sa Food and Drug Administration (FDA) kaugnay ng mga ulat ukol sa umano’y “black market” o iligal na bentahan ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na delikadong gamitin ang mga ibinibentang bakuna na hindi rehistrado o kaya naman walang emergency use authorization (EUA) mula sa FDA.

Dismayado ang opisyal dahil walang katiyakan na ligtas ang mga bakunang hindi dumaan sa tamang proseso.

“Kung sakaling may nag-aalok po sa kanila, mag-ingat po sila kasi baka nanggaling iyan sa black market at hindi nila masisiguro kung talagang authentic iyang bakuna na iyan,” ani Vergeire sa panayam ng Teleradyo.

Ayon sa DOH spokesperson, hamon ang monitoring sa mga taong naturukan ng iligal na bakuna.

Sa ilalim kasi ng Vaccine Deployment Plan, ang mga taong matuturukan ng COVID-19 vaccine ay dapat magbigay ng impormasyon para ma-monitor ng pamahalaan kung sila ba ay magkakaroon ng adverse o side effect.

Nakasaad sa probisyon ng FDA Act na bawal ang importation, pagbe-benta, o pamamahagi ng mga produktong hindi dumaan sa registration, tulad ng mga bakuna.