MANILA – Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na ihinto na ang pagbili ng mga inuming alkohol, lalo na ngayong darating na mga handaan sa Pasko at bagong taon.

“Ang alcohol dapat iwasan na natin,” ani Health Sec. Francisco Duque III.

Paliwanag ng kalihim, may mga ebidensya nang nagsasabi na walang magandang benepisyo sa katawan ng tao ang pag-inom ng alcohol products. Wala rin daw itong safety level.

Ayon kay Duque, ang labis na pag-inom ng alcohol products ay maaring magdulot ng komplikasyon sa puso, atay at utak.

“(Also) multi-organ affectation.”

Inabisuhan din ng kalihim ang publiko na huwag bibili ng hindi rehistradong produkto ng lambanog.

Magugunitang higit 30 indibidwal ang nasawi noong Disyembre ng 2019 matapos matukoy na uminom sila ng lambanog na may nakalalasong sangkap.

Payo ng Health secretary, imbis na mag-inom ng alak ay ibaling ang atensyon sa pag-eehersisyo at iba pang aktibidad na magpapabuti ng resistensya.

“Hindi lang feel good activity, kundi nakakapag-pagaling ng altapresyon, mataas na cholesterol, pati na mental health.”

“Once o three times a week, maglakad tayo, mag-jogging, combination of brisk walking for 30-minutes with mask.”

Nitong araw, umabot na sa 464,004 ang total coronavirus cases sa Pilipinas.