Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala silang natanggap na report ng Philippine Society of Pathologists (PSP) ukol sa evaluation nang pinag-aaralang saliva testing para sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Philippine Red Cross ang nagsasagawa ngayon ng research sa epekto ng laway bilang specimen sa COVID-19 test. Kasama nila rito ang University of the Philippines-Manila. Ang PSP naman ang nangasiwa sa pag-aaral ng pooled testing.
“Wala sa aming na-submit about saliva, but they have said that they will also look into being done by PRC para makapagbigay sila ng komento.”
“Doon sa laboratory experts panel namin pinagusapan ang saliva test, its really using the saliva as specimen. Not really the test as saliva.”
Nitong Huwebes nga nang sabihin ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) na naisumite na ng PSP sa DOH ang resulta ng evaluation sa panukalang saliva testing.
“Ito ay natapos na yung pag-aaral para malaman kung makakatulong ba itong saliva test at ito ay nire-review na ang resulta at ginagawanan ng rekomendasyon para sa DOH. Antabayanan lang natin yung magiging recommendation ng DOH regarding kasi pag-aaralan yung datos para maging basehan ng guideline kung ito’y magagamit sa bansa,” ani PCHRD executive director Dr. Jaime Montoya.
Ani Usec. Vergeire, nakapag-sumite na sa kanila ng resulta ng study ang Philippine Red Cross, na agad tinugunan ng laboratory expert panel.
Kung maaaprubahan ang resulta ng pag-aaral ay asahan na masasali na rin sa COVID-10 testing strategy ang saliva testing.
“Nag-submit na sila sa amin ng completed study. Nagbigay na ng komento ang ating laboratory expert panel, ita-transmit na namin sa PRC para maiayos nila so that we can have something to use as evidence, if and when, kung makikita nating accurate ang resulta ng test na ito.”