MANILA – Iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi pa pwedeng ibenta sa publiko ang mga bakuna laban sa coronavirus (COVID-19).
Pahayag ito ng ahensya kasunod ng anunsyo ng Philippine Red Cross (PRC) na magbebenta ito ng vaccine doses na gawa ng kompanyang Moderna.
“Mayroon tayong rule ngayon na hindi pwedeng ipagbenta itong mga bakuna kasi under EUA (emergency use authorization),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa panayam ng Radyo 5.
“May mga pamantayan tayo ngayon because of the EUA of the vaccines.”
Sa ilalim ng EUA na iginawad ng Food and Drug Administration sa mga bakuna, nakasaad na hindi pa rin maaaring ibenta sa mga botika at iba pang pamilihan ang COVID-19 vaccines, dahil hindi pa rehistrado ang mga ito.
Una nang nilinaw ng PRC na ang kanilang plano na magbenta ng bakuna ay para sa pribadong sektor na wala pang siguradong supply ng bakuna sa mga empleyado.
“Yung kanilang announcement is just for consolidation, ibig sabihin may sasama sa kanila na orders para makapag-angkat sa kani-kanilang kompanya or organization, and not really to sell at a price,” ani Vergeire.
Mayroon nang emergency use sa Pilipinas ang Moderna COVID-19 vaccine.
Bukod sa Philippine Red Cross, may binili na ring doses ang pamahalaan ng Pilipinas bilang dagdag sa supply ng bansa sa COVID-19 vaccines.