Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pinag-aaralan ng local experts ang gene sequence o identity ng SARS-CoV-2 virus ng ilang personalidad na sinasabing nag-positibo muli sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng lumabas na ulat ukol sa isang lalaki sa Hong Kong na tinamaan daw ng panibagong SARS-CoV-2 kaya muling nag-positibo.
“We don’t do this gene sequencing na study for specific individuals, kasi pag nag-aaral tayo nito, ang ginagawa natin hindi nakikita ang pangalan ng pasyente rito. We just study the different genes that we have stored as samples, but the names are withheld,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nakipag-ugnayan na raw ang ahensya sa iba’t-ibang laboratoryo para pag-aralan ang resulta sa test ng mga sinasabing nag-positibo muli sa COVID-19.
“We will not be able to get ito (gene sequence) kasi nga hindi siya tina-tag, walang pangalan kapag ginagawa yung sequencing of genes and getting samples from stored specimens.”
Kung maaalala, pumanaw nitong Lunes ang neonatologist at infectious disease expert na si Dr. Kathlynne Anne Abat-Senen matapos ang isang buwang pakikipaglaban sa COVID-19.
Ilang araw matapos siyang gumaling sa unang infection ng sakit, natukoy na muli siyang nag-positibo sa coronavirus.
Sina Interior Sec. Eduardo Año, Sen’s. Juan Miguel Zubiri, at Sonny Angara ay ilan rin sa i-ulat na positibo mula sa COVID-19.