-- Advertisements --
QC VACCINATION ESSENTIAL WORKER 3
IMAGE | Health Sec. Francisco Duque III administering COVID-19 vaccine to a tricycle driver in Quezon City on Labor Day/Photo by QC Government, Facebook

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa opisyal na nagsisimula ang COVID-19 vaccination sa mga indibidwal na kasali sa A4 priority group o “economic frontliners.”

Pahayag ito ng ahensya matapos bakunahan ng first dose noong Sabado ang 1,718 frontline personnel mula sa tinaguriang “essential sectors.”

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bahagi lang ng “symbolic vaccination” para sa Labor Day noong May 1 ang pagbabakuna sa ilang economic frontliner.

“In commemoration of the May 1 holiday na meron tayo, which is the day for our workers kaya ito isinagawa ng gobyerno.”

“It was just of a something symbolic event para i-recognize yung value ng ating mga manggagawa at maipakita na talagang sila ay kasali sa priorities ng gobyerno.”

Sa ilalim ng inaprubahang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force, kasali sa A4 priority group ang mga nagta-trabaho sa sektor ng transportasyon, mga palengke at grocery; manufacturing ng pagkain, inumin at gamot; food retail at delivery services; financial services; hotel at accommodation services; religious leaders; mga security guard; nagta-trabaho sa media; telecom, electricity at water distribution utilities; mga teacher, OFW, construction worker, at iba pang frontline government workers.

Paliwanag ni Vergeire, hihintayin pa ng pamahalaan ang pagdating ng karagdagang vaccine supply ngayong buwan at sa Hunyo bago bakunahan ang A4 priority group.

Batay sa huling datos ng DOH, aabot na sa 1,934,871 doses ng bakuna ang naipamahagi sa bansa.

Kabilang dito ang 1,650,318 na first dose, at tinatayang 284,553 na second dose.

Sa ngayon rumu-rolyo pa rin ang COVID-19 vaccines mula A1 hanggang A3 priority group o healthcare workers, senior citizens, at mga indibidwal na may comorbidity o ibang sakit.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70-million ngayong taon para sa pag-asang maabot ang “herd immunity” ng bansa laban sa COVID-19.

Samantala, inamin din ni Vergeire na patuloy pang binabalangkas ng ahensya at iba pang concerned agencies ang implementing rules and regulations para sa “indemnification” o bayad danyos ng pamahalaan sa mga makakaranas ng adverse effect dahil sa bakuna.

“Inaayos na yung mga IRR and part of this would be the indemnification details where PhilHealth is the one who is going to manage and develop this package.”