Nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi papabayaan ng gobyerno ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng pagbibitiw at retirement ng ilang matataas na opisyal ng kompanya.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, naiintindihan ng kagawaran ang pagnanais ni PhilHealth president and CEO Dante Gierran na linisin ang struktura ng state-health insurer na nasangkot sa malaking kontrobersya kamakailan.
Pero hindi umano ibig sabihin nito na mako-kompromiso ang serbisyo at mandato ng kompanya, lalo na sa gitna ng health crisis ngayon dulot ng COVID-19 pandemic.
“Hindi hahayaan ng gobyerno na magkakaroon ng ganitong desisyon tapos maha-hamper yung operations natin o titigil ang serbisyo,” ani Vergeire.
“Ito ay patuloy na ginagawa nila para sa kanilang objective to have this transparency dito sa ahensya. Walang titigil sa serbisyo sa ibinibigay ng PhilHealth, tuloy-tuloy yan.”
Tiniyak ng opisyal na hindi makakasagabal ang reorganization ng PhilHealth sa operasyon ng PhilHealth.
Magugunitang nagbitiw at nag-retiro sa pwesto ang 43 senior officials ng PhilHealth matapos umanong maglabas ng memorandum si Gierran kaugnay ng reorganization.
Samantala, nilinaw din ng Health department na nakabantay ang ahensya sa mga kilos ng state-health insurer pagdating sa budget.
Pahayag ito ng DOH matapos punahin ng Commission on Audit (COA) ang ilang issues sa paggastos ng PhilHealth sa budget nito noong nakaraang taon.
Ayon sa Health spokesperson, mismong si Sec. Francisco Duque III ang nangunguna sa monitoring. Asahan din daw na maglalabas ng statement ang PhilHealth kaugnay ng COA report.
“He’s (Duque) always being top with these reports and also they discussed these audit reports among officials of PhilHealth.”