MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi naka-depende sa kasunduan ng pamahalaan at vaccine developer ang posibilidad na magawaran ito ng emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mainit na usapin sa pag-aangkat ng pamahalaan sa supply ng COVID-19 vaccines.
“Kahit na hindi pa tapos ang deal, any manufacturer can already apply for an EUA with FDA (Food and Drug Administration),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Paliwanag ng opisyal, may tsansang magawaran ng emergency use authorization ang mga manufacturer na makapagpapasa ng kumpletong requirements.
Sa ilalim ng Executive Order No. 121 ni Pangulong Duterte, inaatasan ang FDA na maggawad ng EUA sa mga bakuna at gamot na maaaring ligtas laban sa COVID-19.
“As long as they can complete the documentary requirements na hinihingi for them to be processed yung application nila.”
Dalawang panel ng mga eksperto sa loob ng FDA ang inaasahang susuri sa EUA application ng vaccine manufacturers.
Sinabi ni Usec. Eric Domingo, director general ng ahensya, na maaaring abutin lang ng halos isang buwan ang proseso basta’t kumpletong makapagpapasa ng dokumento ang interesadong aplikante.
Ayon sa FDA chief, tatlong kompanya na ang nagpahayag ng interes mag-apply sa EUA: kabilang na ang AstraZeneca (United Kingdom), Pfizer (United States), at Sinovac (China).