-- Advertisements --

Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na kinakailangang personal na humarap sa paglilitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong crimes against humanity matapos kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I ang mga charges laban sa kanya.

Ayon sa ICC, malinaw sa Rome Statute na dapat ay naroroon ang akusado sa panahon ng trial.

Maaalang dumalo ang dating pangulo sa Pre-Trial Chamber noong Marso 2025, ngunit hindi na siya sumali sa mga sumunod na pagdinig, kabilang ang confirmation of charges proceedings noong Pebrero.

Sa ilalim ng mga patakaran ng ICC, maaaring pansamantalang alisin ang akusado sa courtroom kung sakaling makakaabala siya sa paglilitis, ngunit bibigyan pa rin siya ng pagkakataong sundan ang proceedings sa pamamagitan ng communication technology at makipag-ugnayan sa kanyang abogado.

Gayunpaman, sinabi ng korte na ang ganitong hakbang ay gagamitin lamang sa “exceptional circumstances.”

Si Duterte ay nasa kustodiya ng ICC mula pa noong Marso 2025 kaugnay ng kasong may kinalaman sa umano’y madugong ‘war on drugs’ sa kanyang administrasyon, pati na rin ang mga alegasyong pagpatay noong siya ay alkalde pa ng Davao City.

Una nang pinabulaanan ni Duterte ang akusasyon kung saan sinabi niya noon siya ang nagpatupad ng mga polisiya laban sa iligal na droga ngunit hindi umano siya direktang responsable sa bawat nasasawi sa operasyon ng mga awtoridad.

Ayon sa datos ng pulisya, mahigit 6,000 ang nasawi sa operasyon nang kanyang administrasyon.

Sa kabila nito inaasahang bubuo na ang ICC Presidency ng Trial Chamber na hahawak sa kaso. Kapag naitatag na ito, magtatakda ang mga hukom ng petsa ng paglilitis at maglalatag ng mga procedural rules, kabilang na ang paghawak sa ebidensya at iba pang preliminary issues.

Sinabi rin ng ICC na hindi awtomatikong maaaring iapela ang desisyon sa confirmation of charges. Maaari rin umanong humiling ng interim release si Duterte, ngunit nasa desisyon pa rin ito ng mga ICC judges.