Mailalagay sa “moderate risk” ang healthcare capacity sa Metro Manila sa oras na magkaroon ulit ng isa pang COVID-19 surge, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, magkaiba ang parameters at thresholds na ginagamit ng DOH kaysa independent research groups tulad ng OCTA.
Nauna nang inirekomenda ng OCTA Research na magpatupad ng “circuit breaker” lockdown para maagapan ang anila’y early stages ng virus surge na posibleng dulot ng Delta variant sa NCR.
Sinabi ni Vergeire na ang virus reproduction rate, o ang bilang ng mga taong hinahawaan ng virus patient, ay mahigit 1.
Sa nakikita nila sa ngayon, kaya pa naman aniya ng healthcare system ang kasalukuyang sitwasyon.
Pero kailangan aniya na mag-ingat ang lahat dahil sa oras na lumagpas na naman sa threshold ay maghihigpit na naman ng mga restrictions.
Kaya naman pinapaalalahanan ni Vergeire ang publiko na sundin ang minimum health standards at magpabakuna para magkaroon ng sapat na proteksyon laban sa severe COVID-19.