-- Advertisements --
IVERMECTIN RAPPLER
IMAGE | Ivermectin/file

MANILA – Bukas naman daw ang Department of Health (DOH) na makipagtulungan sa mga nagsusulong na gamitin ang gamot na Ivermectin sa mga pasyente ng COVID-19.

“Bukas ang DOH na makipagtulungan sa mga proponent ng Ivermectin para isagawa yung formal clinical trial para mas magkaroon tayo ng sapat na ebidensya kung talagang kagamit-gamit o katanggap-tanggap ang gamot na ito sa mga may sakit ng COVID-19,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.

Pahayag ito ni Vergeire matapos magisa ang ilang opisyal ng DOH sa pagdinig ng Kamara nitong Martes.

May mga mambabatas kasing nagsusulong para magamit bilang dagdag na therapeutics o gamot ng COVID-19 patients ang Ivermectin.

Ito’y sa kabila ng kulang pang mga datos sa pagiging epektibo sa tao.

Ayon kay Vergeire may pag-aaral nang ginawa tungkol sa Ivermectin ang local experts na bumubuo sa Clinical Practice Guidelines group.

Batay sa website ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID), kasamang bumubuo ng CPG group ang DOH, Philippine College of Physicians, at iba’t-ibang medical groups.

“Base on (their) systematic analysis and meta review, nakita nila na wala pa sa ngayon na may significant positive outcome ang Ivermectin dito sa mga taong sinalang nila for clinical trial.”

“We retain our position that we are relying in science and our experts have done the assessment.”

Una nang sinabi ng Food and Drug Administration na wala pang naka-rehistro na Ivermectin drugs sa Pilipinas na pwedeng gamitin sa tao.

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, sa ngayon ang rehistrado pa lang na Ivermectin ay “for parasitic use.” Ibig sabihin, para sa mga hayop lang.

“Yung safety niyan may question mark pero of course, side effect versus benefit, kung mayroon naman tayong nakitang benefit bakit hindi? Kailangan nating ibalanse,” ani Dr. Edsel Salvana, miyembro ng DOH-Technical Advisory Group sa interview ng DZBB.

Ganito rin ang posisyon ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, representative ng World Health Organization sa Pilipinas, na ngangamba sa posibleng epekto ng pagsusulong sa gamot.

“What we’re actually creating is a false confidence to people that if they take Ivermectin, they could be protected. And that can be harmful.”