-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin kontrolado ng bansa ang transmission ng COVID-19 sa kabila ng mga pagbabago sa implementasyon ng community quarantine sa iba’t-ibang lugar.

“Hind natin sinasabi that we have already controlled, kaya nga tayo ay magpapatupad ng Minimum Health Standards, although (some) areas might be identified or classified as low risk, they still need to implement Minimum Health Standards that we will be providing, na nandyan sa ating mga protocol,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, ang adjustments ng ibang lugar mula enhanced community quarantine patungong general at modified enhanced community quarantine ay may kaakibat pa ring mga panuntunan para masigurong ligtas mula sa pagkalat ng sakit ang mga tao.

Iniiwasan daw kasi ng pamahalaan ang sinasabing “second wave” o muling pagbulusok ng mga tinatamaan ng COVID-19.

“Hind pa rin tayo pwedeng maging complacent, kailangan pa rin tayong vigilant. Kailangan pa ring gawing lahat ng Minimum Health Standards so that we can prevent further infection.”

Kabilang sa tinutukoy na Minimum Health Standards ng DOH ang: pagpapalakas ng resistensya tulad ng malusog na pisikal at mental na katawan; pagpababa ng transmission sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay, cough etiquette, pag-disinfect ng paligid; pagbabawas ng contact tulad ng social distancing; at pagpababa ng infection sa pamamagitan ng isolation, paggamot sa mga tatamaan ng sakit.