-- Advertisements --

Suportado raw ng Department of Health (DOH) ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Sec. Carlito Galvez bilang Vaccine czar.

“The Department of Health expresses its support on the appointment of Sec. Carlito Galvez as the vaccine czar.”

Ayon sa ahensya, handa na silang makipagtulungan sa pamumuno ng opisyal sa inaasahang rollout ng COVID-19 vaccines sa bansa.

“We look forward to working closely with him in the rollout of a safe and effective COVID-19 vaccine and we will jointly ensure that it is made accessible to all Filipinos.”

Pareho rin ang pagtanggap ng Department of Science and Technology.

Ayon kay Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya, nakahanda ang kanilang hanay kapag nagpatawag na ng meeting si Galvez sa sub-technical working group on vaccine development and procurement.

Miyembro ng naturang mga sub-TWG si Montoya, na nangangasiwa sa pakikipag-ugnayan sa mga developers ng COVID-19 vaccine sa ibang bansa. Pinag-aaralan din nila ang datos ng mga bakunang nag-aapply para sa clinical trials bago ipasa sa evaluation ng Vaccine Expert Panel.

Ang sub-TWG on procurement naman ang nakatalagang mamuno sa proseso ng pagbili sa mga mapipiling bakuna na gagamitin dito sa Pilipinas.

Si Sec. Galvez ang kasalukuyang kalihim ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, at chief implementer ng National Task Force against COVID-19.