MANILA – Asahan daw na sa mga susunod araw ay mas magiging detalyado pa ang Department of Health (DOH) sa paglalabas ng datos ukol sa mga lugar na may mataas na numero ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Simula kasi noong Sabado, October 17, hinimay na ng ahensya ang reporting sa mga area na mataas ang “newly-announced cases.”
Kung dati, naka-rank sa probinsya at rehiyon ang datos na pinanggalingan ng mga bagong kaso ng COVID-19, ngayon naka-classify na ito sa mga top “highly-urbanized cities” (HUC) at “independent component cities” (ICC).
“Inuna natin yung NCR and other areas, but definitely we’d like it as granular as possible so that people would understand,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Paliwanag ng opisyal, ang hakbang ay tulong sa mga local government units para agad na ma-respondehan ang mga maitatalang bagong kaso ng sakit sa kanilang lugar.
Layunin din daw nito na mabigyan ng focus intervention ang kada lugar na makapagtatala ng mga bagong kaso ng sakit.
“Kaya natin pinalitan, we’d like to be granular as possible. Gusto natin yung local response, agad magagawa,” ani
“So that accountability will be there… kung dati kapag sinabi nating NCR, ating nabubuo na sila yung top. Pero kung titingnan natin, iilan-ilang mga cities lang sa NCR ang talagang may mataas na cases doon.”
Nagpaalala naman si Vergeire pagdating sa interpretasyon ng mga datos. Kailangan daw kasing maintindihan na magkakaiba ang sitwasyon ng bawat lugar.
“Mayroong mga lugar na mataas ang new cases pero malaki ang population nila. May mga lugar naman na ang taas ng kaso pero maliit ang populasyon.”
Batay sa huling case bulletin, ang Quezon City ang top HUC na may 141 newly-reported cases as of October 19. Aabot na sa 359,169 ang total ng COVID-19 sa Pilipinas.










