-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – (Update) Pabor ang Department of Health (DOH) sa Catanduanes na dapat mapanagot at masampahan ng kaso ang laboratoryong responsable sa pagtapon ng mga medical waste sa baybayin ng Brgy. Concepcion sa bayan ng Virac.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOH Catanduanes officer Dr. John Aquino, nilabag ng medical laboratory ang solid waste management ordinance ng bayan.

Kailangan umano ang waste segration sa laboratoryo at dapat na may pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ang pagtatapon ng medical waste.

Ipinapasakamay na rin ni Aquino sa LGU ang imbestigasyon upang mapanagot ang nasa likod ng iresponsableng pagtatapon ng basura.

Nasa rural health unit ng Virac na rin umano ang aksyon sa natukoy na paglabag sa isolation protocols ng isang opisyal ng nasabing medical laboratory.

Nabatid na lumabas ito mula isolation at nakihalubilo pa sa mga tao kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang COVID-19 test.

Inihambing pa ni Aquino ang insidente sa “poblacion girl” na tumakas habang nasa quarantine period at dahilan ng superspreader event ng COVID-19.

Abiso ni Aquino na maiging sundin ng publiko ang ipinatutupad na minimum health protocols upang makontrol ang pagkalat ng nakakahawang sakit.