-- Advertisements --

NAGA CITY – Nag-donate ng 24 na ambulansiya ang Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) Bicol sa Local Government Units (LGU) at mga ospital sa Bicol Region.

Sa inilabas na impormasyon ng naturang ahensiya, napag-alaman na nakatanggap ng 11 ambulansiya ang lalawigan ng Albay, 10 sa Camarines Sur, habang tatlo naman sa Catanduanes.

Ang naturang mga ambulansiya ay “complete and fully-equipped” na mayroong medical equipment, instruments, accessories, at peripherals.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga alkalde at mga representante ng LGU’s dahil malaking bagay umano ito sa kani-kanilang komunidad lalo na ngayong mayroon pa ring banta ng COVID-19.

Nabatid din na ito na ang pangatlong batch ng mga ambulansiya na ipinamahagi ng DOH-CHD Bicol para makumpleto ang 60 ambulansiya na ibinigay sa buong Bicol Region.

Sa kabilang dako, layunin umano nito na magkaroon ng maayos na healthcare delivery service ang mga Bikolano.