-- Advertisements --

Hinihintay na lang daw ng Department of Health (DOH) ang approval ng Single Joint Research Ethics Board para umarangkada na sa bansa ang hiwalay na clinical trials sa Japanese-manufactured drug na Avigan sa mga pasyente ng COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kapag inaprubahan na ng ethics board ang proposal sa naturang clinical trial ay iaakyat pa ito sa Food and Drug Administration (FDA) para sa regulatory clearance.

Tinatayang sa pagitan ng ikalawa at ikatlong linggo ng July daw posibleng gamitin ang anti-flu drug sa COVID-19 patients na mage-enroll dito.

Una nang sinabi ng DOH na target nilang paggamitan ng Avigan ang mga pasyente mula sa: Sta. Ana Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Quirino Memorial Medical Cente

Sa kasalukuyan, tatlong gamot ang ginagamit ng bansa sa clinical trial ng World Health Organization.

May 330 pasyente na raw ng COVID-19 ang naka-enroll dito mula sa 21 ospital na kasali sa trial.

Kabilang sa mga ginagamit na off-labeled drug sa WHO solidarity trial ang remdesivir, lopinavir-ritonavir at lopinavir-ritonavir + interferon beta-1a.