-- Advertisements --

Pinaplantsa na ng Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF) ang mga proseso upang gawing libre sa value added tax (VAT) ang ilang uri ng gamot na inaangkat sa ibang bansa.

Ayon kay Health Usec. Charade Grande ng Health Regulatory Team, target nilang mapababa ang presyo ng mga gamot sa ilalim ng TRAIN law, upang maiwasan ang pagpataw ng dagdag na halaga para sa mga nangangailangan nito.

Kabilang sa mga gamot na masasaklaw ang para sa hypertension, diabetes, anti-cholesterol, kontra cancer, mental illness, sakit sa bato, tuberculosis at COVID-19.

Sinabi pa ni Grande na may isinasapinal rin sila na kasunduan sa Philippine Competition Commission (PCC) para mapalakas pa ang kompetisyon sa lokal na merkado at maibaba pa ang presyo ng mga gamot.

Maging ang iba pang tanggapan na makakatulong para mapababa ang bentahan ng gamot ay kanila rin umanong kokonsultahin.