Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng walong bagong lugar sa bansa na may clustering ng COVID-19.
Ayon sa ahensya, as of September 20, umabot na sa 1,963 ang total ng COVID-19 clusters sa bansa.
Una nang ipinaliwanag ng Health department na tinatawag na clustering ang mga lugar kung saan may kumpulan nang pagkalat ng coronavirus.
Ang mga bagong clustering cases ay naitala sa Central Luzon at Calabarzon na may tig-dalawang bagong clustered areas. Habang tig-iisa sa Cagayan, Cordillera, Bicol at National Capital Region.
Mula sa mga nabanggit na rehiyon, 102 clusters ang nasa ospital at iba pang health facilities, at 33 hanggang 34 sa mga kulungan.
Sa komunidad naman nananatiling may pinakamarami na nasa pagitan ng 1,654 hanggang 1,659; na sinundan ng “other clusters” na nasa 166 hanggang 168.
Kabilang sa mga itinuturing ng DOH na “other clusters” ang workplaces at public transportation.
Ngayong araw pumalo pa sa 296,755 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.