MANILA – Nananatili sa higit 1,000 ang naitatalang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Department of Health, mula sa higit 1,500 daily new cases ng rehiyon sa mga nakalipas na linggo, bumaba na lang ito sa 1,226.
“Ibig sabihin bumaba, pero hindi pa rin natin nakikita na mabilis na bumaba kaya patuloy pa rin na kailangan natin mag-ingat,” ani Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire.
Target daw ng gobyerno na mapababa na lang sa higit 400 ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Ganito kasi ang average o tinatayang bilang ng bagong kaso na naitalala noong unang buwan ng taon.
Patuloy daw na pinag-uusapan ng Health department at mga eksperto ang datos ng sitwasyon para makapagbigay ng rekomendasyon bago matapos ang buwan.
Kasalukuyan kasing ipinapatupad ang general community quarantine with heightened restriction sa NCR Plus, at magtatapos sa May 31.
Kabilang sa mga binabantayan ng ahensya ay ang healthcare utilization rate, average daily attack rate, at 2-week growth rate ng COVID-19 sa NCR.
“Ito ang ginagamit natin for us to be able to determine kung anong community quarantine classification.”