Aminado ang Department of Health (DOH) na wala pa sa target nitong 8,000 testing capacity kada araw ang naabot ng mga sertipikadong laboratoryo para sa COVID-19 testing.
Ilang beses na kasing inihayag ng ahensya na sa pagtatapos ng Abril ay aabot na sa nasabing bilang ang kapasidad sa testing ng mga laboratoryo sa bansa.
Sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na nasa higit 6,000 tests kada araw ang pinagsamang kapasidad ng 19 na certified laboratory testing facilities sa ngayon.
“Ginagawa ng kagawaran ang lahat ng makakaya nito upang paigtingin pa natin ang ating testing capacity sa pamamagitan ng pag-procure ng equipment at supplies sa ating sub-national laboratiries, paghire ng kakulangang health human resources gaya ng lab techinicians, at pag-aactivate ng ating GenExpert laboratories upang magsilbing testing centers para sa COVID-19.”
“Mayroon din tayong pakikipagugnayan at partnership with private sector kung saan maaaring makapagdagdag pa ng maraming kapasidad sa ating testing.”
Una nang sinabi ng Health department na target nilang pataasin pa ng lagpas 10,000 ang testing capacity kada araw ng certified laboratories sa kalagitnaan ng susunod na buwan.
May higit 30 ospital at health centers pa ang naka-pending ang certification sa ngayon, kabilang na ang kontrobersyal na Marikina Molecular Diagnostic Laboratory.
Ngayong linggo naman daw inaasahang darating mula Amerika ang GenExpert rapid testing kit na kaya raw maglabas ng resulta nang wala pang isang oras.