-- Advertisements --

Hindi kumbinsido ang Department of Health (DOH) sa sinasabing “herd immunity” na nakamit ng Cebu laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng pag-aaral na ginagawa ng mga opisyal sa Central Visayas ukol sa umano’y “herd immunity” o kaligtasan mula sa coronavirus ng nasabing lalawigan.

Batay kasi sa report ng DOH-Region 7, nag-positibo sa IgG antibody ang ilang tindera ng Carbon public market na tinest sa COVID-19.

“Sa pag-aaral na ginawa sa Cebu ay tinest po ang mga vendors gamit ang antibody test at mula po sa mga reports, 47.48 % ng 2,191 market vendors o 1,047 ay na-test bilang IgG positive,” ayon sa DOH.

Paliwanag ng Health department, dapat umaabot sa 60 hanggang 70% ng populasyon ng isang lugar ang tinamaan ng sakit at nabakunahan para masabing nagkaroon na ito ng “herd immunity.”

Sinasabi rin daw ng World Health Organization na hindi maaaring gamitin ang positibing antibody test para ma-exempt ang isang tao sa public health measures ng komunidad o pinagta-trabahuan.

“Sa kasalukuyan, hindi pa po sapat ang ebidensyang nagpapatunay na ang mga taong naka-recover na mula sa COVID-19 at may antibodies sa kanilang katawan ay protektado na sa mga susunod na impeksyon ng COVID 19.”