Umakyat na sa 30 ang bilang ng health facilities na apektado ng nagdaang bagyong Ulysses, ayon sa Department of Health (DOH).
Kabilang sa mga pasilidad na nasalanta ang mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at Cordillera region.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire patuloy ang deployment nila ng health emergency response teams sa Region 2 para sa surveillance, medical, water, sanitation at hygiene promotion. Pati na ang serbisyo para sa mental health tulad ng psychosocial support.
“Ang Disease and Prevention Control Bureau ay nakapagbigay naman na ng ready to use supplementary food, ferrous sulfate drops at calcium carbonates sa regional offices.”
Batay sa report DSWD, aabot pa sa 55,927 pamilya o 223,378 indibidwal ang nasa 1,570 evacuation centers sa nabanggit na mga rehiyon, kasama na ang National Capital Region at Bicol.
Binigyang diin ni Usec. Vergeire ang kahalagahan ng pagkakaroon ng health and safety officer sa mga evacuation centers para mabantayan din ang banta ng COVID-19.
“Muli naming ipinapaalala sa mga evacuees ang pag-iingat mula sa posibleng sakit tulad ng water, food at vector-borne diseases and other communicable diseases.”
“Atin ding ipinapatupad ang milk code sa evacuation centers o pagbabawal ng pamamahagi o pagtanggap ng milk donations, commercial baby food and feeding bottles para sa mga bata na below 2-years old. Mas mainam pa rin ang breastdfeeding.”










