-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi malabong ibaba na sa antas ng modified general community quarantine (MGCQ) ang buong Pilipinas sa unang quarter ng 2021 kung matagumpay na maaabot ng local government units ang mga itinakdang batayan ng mga eksperto.

Ayon kay Health spokesperson Maria Rosario Vergeire, may itinakda silang “gatekeeping indicators” na dapat matugunan ng mga lokal na pamahalaan para maabot nila ang pinaka-maluwag na antas ng community quarantine.

“Mayroon tayong gatekeeping indicators and we already have set targets and milestones.”

Kabilang sa mga ito ang epektibong surveillance system, contact tracing, pagsunod ng publiko sa minimum health standards at enforcement ng LGUs.

“Ang sabi namin, if only local government units will be able to achieve these gatekeeping indicators by the end of December, we have set that targeted milestone by the end of first quarter of next year, all LGUs hopefully will be at MGCQ stage.”

Hindi naman isinasantabi ni Vergeire ang mga naitatala pa ring kaso ng COVID-19 ngayon, pero kung magagawa raw abutin ng mga lokalidad ang indicators ay siguradong kaya na rin ng mga ito na pigilan ang pagkalat ng coronavirus sa kanilang lugar.

Sa huling tala ng DOH, umaabot na sa 387,161 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas.