Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may 75 kumpirmadong COVID-19 cases na sa National Center for Mental Health (NCMH).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakapaloob sa bilang ang 62 empleyado ng pasilidad at 13 psychiatric patients.
“Ang mga healthcare workers na nag-positibo sa COVID-19 ngunit wala namang sintomas o asymptomatic ay naka-home quarantine, at patuloy na mino-minotor ng kagawaran sa kanilang araw-araw na kalagayan.”
“Ang healthcare workers na nakitaan ng sintomas ay naka-admit sa iba’t-ibang ospital.”
Kasalukuyan namang nagpapagaling sa loob ng NCMH ang psychiatric patients na tinamaan ng sakit.
Wala pa raw naitatalang namatay mula sa bilang ng mga nag-positibo sa mental health facility, pero may lima ng gumaling.
Kung maaalala, sinabi kamakailan ni Dr. Clarita Avila na may mga kumpirmadong kaso na ng COVID-19 sa loob ng NCMH.
Si Avila ay dating chief administrative officer ng pasilidad pero inilipat sa Las Piñas Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center.
Ayon sa opisyal posibleng may kinalaman sa kanyang expose ang reassignment.
Sinabi rin nito na may gag order siya mula kay NCMH director Dr. Roland Cortez.
Pero ayon kay Dr. Cortez matagal ng may mga reklamo kay Avila kaya kinailangan itong ilipat ng institusyon.