-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mas uminit pa sa ngayon ang tensiyon sa pagitan ng gobernador ng South Cotabato at mga opisyal ng Department of Health matapos na ipina-blotter ang pagpadlock umano sa Socsargen General Hospital (SGH).

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Major Richel Cabuslay, hepe ng Surallah PNP, sinabi nito na isang kasapi ng Provincial Security Unit (PSU) ang nagpa-blotter sa nangyari dahil umano sa isinara ng utility ang main door ng ospital sa utos umano ng OIC chief of hospital at kasalukuyang ARD ng DOH 12 na si Dr. Sulficio M. Legaspi Jr.

Nagulat na lamang umano si Dr. Marie Tuburan sa nangyari dahil hindi na natuloy ang planong paglipat ng mga COvid-19 patient sa nasabing pasilidad matapos naman na inihayag ni Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang pag-take over sa SGH dahil sa banta ng pagtaas ng kaso sa probinsiya.

Ngunit, dumepensa naman si Dr. Legaspi at sinabing maling impormasyon ang ipinapakalat ng gobernador dahil ang isinara lamang ay ang bagong building na iti-nurn-over ng DPWH kung saan may mga personnel ng ahensiya na kasalukuyang naka-quatantine.

Umalma naman si Dr Aristides Tan, Regional Director ng DOH 12 sa sinabi ng gobernador dahil hindi umano sila Anti-Health kundi “for health” dahil iyon ang kanilang mandato “to ensure the health of everybody”.

Dagdag pa ni Tan, matagal na umanong tumutulong ang DOH 12 sa probinsiya mula sa pagpapadala ng mga health personnel upang masiguro ang pagbibigay ng quality health services, health logistics at pag-assist sa operasyon ng SGH ngunit hindi umano nakikita ng gobernador dahil bulag ito.

Sa ngayon, demand ng DOH na i-turn-over na ang SGH sa DOH-12 dahil mahigit 3 taon na silang naghihintay.

Ipinasiguro din nila na may sapat na pundo ang DOH upang pamahalaan ang hospital hindi lamang para sa mga South Cotabatenos kundi sa buong Socsksargen.

Malaki naman ang paniniwala ng mga opisyal ng DOH na dahil sa pulitika kung bakit ayaw o dini-delay ng gobernador ang pag-turn-over ng hospital sa kanila.