Tinutulan ng Department of Finance (DOF) ang mungkahing tax exemption sa honoraria at allowance ng mga guro na magsisilbi para sa halalan.
Ayon kay DOF Policy, Research and Liaison Office director Arvin Quiñones, hindi ang tax exemption ang pinakamagandang paraan upang matiyak ang mas maraming benepisyo para sa mga nagsisilbi sa panahon ng eleksyon.
Ito ay sa kadahilanang posible daw kasi na pagmulan ito ng mas marami pang exemptions para sa kaparehong benepisyo na ibinibigay naman sa iba pang mga indibidwal na magseserbisyo din sa halalan.
Posible rin daw na maabuso ang tax system nang dahil dito at mas mahirap din daw na ipatupad ito kung tutugunan nila ang mga benepisyo sa pamamagitan ng tax system.
Bukod dito ay binigyang-diin din ng kagawaran sa kanilang position paper ang Republic Act No. 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, at sinabi nito na nakapagbigay na raw sila ng relief mula sa personal income taxes ng mga magsisilbi sa halalan mula nang nagkaroon ng adjustments sa tax rate.
Samantala, sa isang statement naman ay sinabi ni Department of Education Secretary Leonor Briones na nauunawaan nila ang intensyon ng panukalang batas ngunit ang DOF at ang BIR ang nasa pinakamagandang posisyon para magbigay ng komento sa usapin.