-- Advertisements --

Matagumpay na narating ng dalawa pang Pilipinong mountaineers ang tuktok ng pinakamataas na bundok sa buong mundo na Mt. Everest ngayong climbing season ng 2025.

Ito ay sina Elaine Jhon Panganiban at Miguel Angelo Mapalad na kapwa miyembro ng Philippine 14 Peaks Expedition Team.

Nagawang marating ng dalawa ang 8,848.86 meters peak ng bundok nitong umaga ng Linggo, Mayo 18, oras sa Pilipinas.

Kasama ng dalawa na nakaakyat sa summit sina Dawa Nurbu Sherpa at Danuru Sherpa, na kapwa eksperyensadong Nepalese mountaineers at guides.

Ang panibagong rekord na ito ay naitala ilang araw lamang mula ng unang marating ng isa pang Pilipinong mountaineer na si Rhisael “Ric” Rabe ang summit ng bundok noong Huwebes.

Si Rabe ang unang Pilipinong nakatungtong sa summit ng bundok makalipas ang halos dalawang dekada mula nang huling maitala ang Pilipinong nakaakyat sa Mt. Everest.