DOF, DUMIPENSA SA PAGPAPATUPAD NG EXECUTIVE ORDER SA PORK IMPORTS (LOOP: PORK PRODUCTS / DOF SEC DOMINGUEZ)
Todo depensa ngayon ang Department of Finance (DoF) sa pagpapatupad ng Executive Order 128, na nagpababa sa taripa ng pork importations.
Ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, ang adjustment ng taripa ay hindi naman daw isinagawa “haphazardly” dahil ikononsidera pa rin naman ang “tradeoffs” sa cost-benefit analysis.
Pero sa opening presentation ni Dominguez sa pagpapatuloy ng hearing ng Senate Committee of the Whole kaugnay ng African swine fever outbreak, aminado naman si Dominguez na ang EO 128 ay itinuturing nilang “painful solution” pero magiging “short-term” umano at ito lang ay isang “practicable strategy” sa kasalukuyang problema sa pork supply.
Aniya dahil sa EO 128 ay bubulusok ang revenue ng P13.68 billion pero ang pagpapababa ng presyo ng pork products ay makakatipid naman ang mga consumer ng P67.38 billion.
Ang naturang tradeoff daw ay pakikinabangan naman ng buong bansa.
Ipinaliwanag din ng DOF chief na ang kasalukuyang tariff rates ay magpapataas sa presyo ng mga pork products dahil sa kakulangan ng suplay sa local market at wala rin umanong kakayahan ang mga importers na magdala ng mga karne sa bansa dahil sa masyadong mataas na taripa.
Ani Dominguez, base na rin daw sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang volume ng hog production bumaba ng 26 percent sa unang quarter ng 2021.
Ito ay nagresulta naman sa meat inflation ng 19.6 percent sa parehong period.
Sa huli, sinabi ni Dominguez na ang pansamantalang solusyon sa mataas na presyo ng pork products ay ang pag-angkat ng mas maraming suplay sa merkado.
Isa raw kasi sa rason nang pagtaas ng presyo ay ang mababang suplay kaya naman ang pagdagdag ng mas maraming suplay ay magiging daan para bumalik sa dati ang presyo ng pork products at maibaba ang inflation rate.