Pinawi ng Department of Energy (DOE) ang pangamba ng publiko kaugnay sa suplay ng kuryente kasunod ng onset o pagsisimula ng El Nino phenomenon sa bansa.
Ayon kay Energy Undersecretary Rowena Guevarra, hindi umano magdudulot ng seryosong problema sa power situation ng bansa sa nalalabi pang buwan ng 2023 ang El Niño phenomenon.
Base kasi sa simulations ng Department of Energy (DOE), iniulat ni na maaaring mabawasan ang mga kapasidad ng malalaking hydroelectric power plants ng mula sa 50% ngayong buwan ng Hulyo hanggang sa 75% sa darating na buwan ng Disyembre dahil sa El Niño.
Subalit inaasahan ayon kay Guevarra na ang tinatayang magiging demand sa pagkonsumo ng kuryente ay mas mababa ng 300 hanggang 500 megawatts.
Gayunpaman, ayon din sa ahensiya na base sa power outlook bunsod ng El Nino posibleng makaranas ng apat na yellow alerts na indikasyon na ang grid ay mayroong manipis na reserba o bumaba pa sa comfortable level subalit malimit na hindi naman humahantong sa power outages.
Inaasahan ayon sa DOE official na makakaranas ng yellow alert sa ikatlong linggo ngayong Hulyo at tatlong yellow alert naman sa buwan ng Agosto.
Sinabi din ni Guevarra na maaaring i-tap ang mga planta na gumagamit ng diesel na mas mahal para sa karadagang suplay ng kuryente upang maibsan ang numinipis na reserba.