Nagbabala ang Department of Energy (DOE) nitong Biyernes sa posibleng pagkaantala sa Luzon bunsod ng hindi planadong maintenance shutdown ng 647-megawatt (MW) Sual coal-fired Power Plant Unit 1.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOE na ang 647-MW Sual Unit 1 ay sasailalim sa unplanned maintenance mula Abril 29, 2023, hanggang Mayo 1, 2023.
Ito ay upang maresolba ang buildup ng leak mula sa boiler tube ng planta at paglilinis ng generator stator lot bar upang maitama ang pagtaas ng temperatura nito.
Ang departamento ay optimistiko na magkakaroon ng kaunting power interruptions dahil mababa ang demand sa panahong ito.
Gayunpaman, sinabi ng DOE na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Manila Electric Company, iba pang distribution utilities, at retail electricity suppliers para i-activate at palawakin ang Interruptible Load Program (ILP) upang makatulong na mapahina ang epekto sa tuwing may malapit na supply deficiency at power interruptions sa grid.
Sa ngayon, nananawagan din ang nasabing departamento sa iba pang ahensya ng gobyerno, partikular sa Department of Health (DOH), na payuhan ang mga ospital, blood bank, dialysis center, at iba pang katulad na pasilidad na magpatibay ng mga alternatibong hakbang, tulad ng paghahanda ng kanilang mga generator set, kung sakaling magkaroon ng power interruptions.