Bumuwelta si DND Sec. Gilberto Teodoro Jr. sa China kasunod ng naging pahayag nito hinggil sa pagkasira ng mga bahura sa WPS.
Ito ay matapos na isisi ng China sa BRP Sierra Madre na nasa ayungin shoal ang mga pagkasira ng mga yamang-dagat sa naturang karagatan.
Sa isang statement ay iginiit kasi ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na nagtatapon umano ng polutted water sa karagatan ang naturang barko ng Pilipinas.
Dahil dito ay pinaulanan ngayon ni Sec. Teodoro ng masasakit na salita ang China partikular na ang pagtawag sa pahayag nito bilang ‘hypocritical’.
Kasabay ng pagbibigay-diin ng kalihim na ang China ang patuloy na sumisira sa West Philippine Sea nang dahil sa mga illegal reclamation activities na ginagawa nito na malinaw aniyang paglabag sa international law partikular na sa 2016 arbitral award.
Dagdag pa ni Teodoro, ang mga pahayag na ito ng China ay walang iba kundi pawang propaganda na layunin lamang na ilihis ang atensyon ng buong mundo mula sa kanilang mga ginagawang ilegal na aktibidad sa WPS.
Kasunod nito ay nagbabala rin ang kalihim sa nasabing bansa na ang mga ganitong uri ng walang kabuluhang propaganda raw ay naglalantad lang sa insincerity ng China at nagpapalala lang sa kawalan ng tiwala sa kanila hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng buong mundo.
Matatandaang binitawan ng China ang naturang mga paratang laban sa Pilipinas hinggil sa pagkasira ng mga bahura sa West Philippine Sea nang ihayag ng Office of Solicitor General na ikinokonsidera nito ang pagsasampa ng kaso laban sa China sa harap ng International Criminal Court matapos na matuklasan ng AFP at PCG ang pinsalang tinamo ng mga coral reef sa seabed ng Iroquios Reef at Sabina Shoal na iniwan ng mga nagkumpulang Chinese maritime militia vessels sa lugar.
Kaugnay nito ay una na ring sinabi ni Sec. Teodoro na nais niya itong imbestigahan upang alamin kung ang hinihinalang massive coral harvesting sa lugar ay may kaugnayan sa umano’y illegal reclamation ng mga artificial islands ng China sa loob ng EEZ ng Pilipinas.
Kung maaalala, una na ring nanawagan si Defense Sec. Teodoro sa publiko na huwag maniniwala sa mga ipinapakalatn na fake news ng China nang sabihin nitong mayroon umano itong “Gentleman’s agreement” sa isang mataas na opisyal ng Pilipinas na nangakong hahatakin umano ang sinadsad na BRP Sierra Madre na barko ng ating bansa sa ayungin shoal, bagay na mariing pinabulaanan naman kalihim.