-- Advertisements --

Itutulka daw ng Department of National Defense (DND) ang kanilang planong pagbibigay ng first level civil service eligibility sa mga magtatapos sa panukalang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program para sa mga senior high school students.

Ayon kay DND spokesperson Director Arsenio Andolong, hihingi raw ang mga ito ng tulong sa Department of Justice (DoJ), Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kaugnay ng pagbabalik ng mandatory ROTC sa ilalim ng Marcos administration.

Sakaling mabigyan daw ng civil service eligibility ang mga magsasanay sa ROTC ay mabibigyan ang mga ito ng insentibo.

At kung sakali man umanong hindi makapagtapos ng kolehiyo ang mga ito ay puwede silang mabigyan ng trabaho sa gobyerno.

Muli rin iginiit ni Andolong na ang panukalang ROTC ay hindi sesentro sa military training dahil mayroon din silang mga aktibidad patungkol sa climate change maging ang iba pang mga isyu ng bansa.

Nais din umanong ibalik ng pamahalaan ang pagiging makabayan ng mga estudyante sa pamamagitan ng mga pag-aaral ng mga kadete.

Kung maalala, sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Lunes, nais niyang ibalik ang mandatory ROTC.

Tinukoy pa nitong ang ROTC ay isa sa mga priority measures ng kanyang administrasyon.

Kahapon nang sabihin din ni Marcos na ang mandatory ROTC program para sa mga senior high school students ay makakatulong sa pagresonde ng mga kalamida.

Kasunod na rin ito ng tumamang malakas na lindol sa Abra at ilang bahagi ng Luzon noong Miyerkules.