Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan para sa repatriation ng overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa nagpapatuloy na giyera sa Israel.
Ito ay sa gitna na rin ng nadaragdagang bilang ng mga Pilipino na nasa 185 na mula sa Israel ang humihiling na ma-repatriate sa gitna ng patuloy na sigalot sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas na nasa Gaza.
Kung saan ayon kay Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac, nakatakdang dumating sa bansa sa araw ng Lunes ang ikaapat na batch ng mga Pinoy mula sa Israel na binubuo ng 60 OFWs at 2 sanggol.
Sa 60 OFWs, nasa 32 dito ay hotel workers at 28 ang caregivers. Kayat inaasahang papalo na sa kabuuang 123 Pinoy na ang na-repatriate kabilang ang pagdating ng panibagong batch.
Kabilang nga sa matatanggap ng mga napauwing Pinoy ay repatriation assistance package na nagkakahalaga ng P50,000 bawat isa mula sa OWWA para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at matulungan silang makabalik ng matiwasay sa kanilang normal na pang-araw-araw na pamumuhay.