-- Advertisements --

Target na ma-repatriate ang 63 Pilipino na naiipit sa nagpapatuloy na gang violence sa Haiti ngayong linggo.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac, aaregluhin ang flight ng mga Pinoy na irerepatriate sa lalong madaling panahon.

Muling inihayag naman ng DMW official na sa ngayon walang napaulat na Pilipinong nasugatan sa kaguluhan sa Caribbean country.

Sinabi din ni Cacdac na nagpapatuloy ang deployment ban sa Haiti mula pa noong 2017 kayat hindi aniya ganun karami ang Pinoy sa naturang bansa.

Una ng iniulat ng ahensiya na base sa latest records ng Embahada ng Pilipinas, mayroong kabuuang 154 Pilipino ang nasa Haiti.

Matatandaan sa unang bahagi ng Marso, nagdeklara ng state of calamity ang gobyerno ng Haiti kasunod ng bayolenteng labanan ng 2 pangunahing criminal gang sa Port-au-Prince na humantong sa prison breaks sa layuning mapatalsik sa pwesto si Prime Minister Ariel Henry.