Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kaligtasan ng apat na Pilipinong nasugatan matapos tamaan ng Russian missile ang isang civillian ship na papasok sana sa isang pwerto sa Black Sea na bahagi ng Ukraine.
Sinabi ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac na nasa mabuti na ang kalagayan ng mga ito.
Bagaman nasugatan sila sa nangyaring missile attack, sinabi ni Cacdac na malayo sila sa pinangyarihan ng pagsabog kayat pawang mga minor injuries lamang ang kanilang tinamo.
Tiniyak din ng opisyal na magpapatuloy ang pagtutok nila sa kalagayan ng mga ito habang ginagamot at nagpapagaling mula sa mga tinamong sugat.
Ayon pa kay Cacdac, sa apat na nasugatan ay ang engine trainee ang nagtamo ng pinakamalubhang injury na kinabibilangan ng bali sa kanyang kaliwang kamay.
Habang ang Pinoy na kapitanm, seaman, at deck cadet, ay pawang minor injuries lamang ang tinamo.
Maalalang kahapon ay kinumpirma na ng DMW ang ikaapat na biktimang Pinoy sa nangyaring pagsabog, mula sa tatlong Pinoy na unang napaulat.
Sa kasalukuyan ay tinitingnan na ng DMW kung maaaring i-repatriate ang apat na Pinoy habang patuloy silang nagpapagaling.