Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Department of Migrant Workers (DMW) sa iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa talamak na illegal recruitment schemes na pinupuntirya ang mga Pilipinong nagbabalak magtrabaho sa Italy.
Matatandaa na iniulat ng DMW na may humigit-kumulang 100 biktima na humingi ng tulong sa iba’t ibang ahensya para sa paniningil sa kanila ng labis na placement at consultancy fees.
Ayon sa pahayag, nakikipag-ugnayan na ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila at sa Philippine Consulate General sa Milan at sa Migrant Workers Office sa Milan sa imbestigasyon ng mga umano’y ahensya at indibidwal na may sangkot sa illegal recruitment.
Nangako ang DMW na ibibigay ng departamento ang buong puwersa ng batas para sa mga walang prinsipyong indibidwal at organisasyon at ibibigay ang hustisya para sa mga biktimang overseas Filipino workers (OFWs).
Nagbabala din ang DMW sa publiko na huwag maniwala sa modus at sa halip ay pumunta sa mga rehistradong recruitment agencies.
Hinikayat din nito ang iba pang mga biktima ng illegal recruitment na makipag-ugnayan sa DMW at iulat ang mga pagkakasala na ginawa laban sa kanila upang mapadali ang pagsasampa ng mga naaangkop na kaso.