Magbibigay ang DMW ng tulong sa naulilang pamilya ng isang Pinay domestic worker na natagpuang palutang lutang sa pier sa Hong Kong.
Sa isang pulong-balitaan, nagpahayag ng pakikiramay si DMW Undersecretary Hans Cacdac sa kaanak ng biktimang natagpuang palutang lutang ang nabubulok na katawan ng OFW malapit sa isang pier sa Tsing Yi matapos siyang iulat na nawawala.
Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan na ngayon ang DMW at Philippine Consulate General sa Hong Kong sa pulisya sa imbestigasyon.
Ipinarating din niya ang kahilingan ng pamilya para sa pagsasa-pribado ng kaso.
Humingi umano ng leave ang overseas Filipino worker (OFW) sa kanyang amo para makalabas siya sa kanyang day off.
Nang makita ang kanyang katawan, agad na ipinaalam umano ng HongKong authorities ang insidente sa DFA, DMW at iba pang kaugnay na ahensya ng ating bansa.
Dagdag dito, nangako ang DFA na kanilang mareresolba ang kaso ng biktima at tiniyak ang maayos na pagpapauwi sa labi nito.
Sa kasalukuyan, patuloy pa din ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kung ano ang tunay na sanhi ng naturang insidente.