Hiniling ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Office of the Ombudsman na muling suriin ang desisyon nito kaugnay ng graft complaints kay dating OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Ito ay matapos kasuhan ng Ombudsman si Ignacio ng usurpation of official functions o gumawa ng bagay na walang pahintulot, kaugnay ng isang umano’y maanumalyang pagbili ng ari-arian na nagkakahalaga ng P1.4 billion.
Gayunpaman, ibinasura ng Ombudsman ang mga kasong plunder laban kay Ignacio, dahilan upang magsumite ang DMW ng motion for reconsideration noong Hulyo 17.
Ayon sa DMW, may pananagutan si Ignacio, mga ilang opisyal ng OWWA, at mga pribadong nagbenta ng ari-arian dahil itinuloy ang bentahan nang walang pahintulot ng OWWA Board of Trustees.
Ang naturang property sana ay gagawing pansamantalang tirahan o halfway house para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuuwi dahil sa emergency.
Iginiit ng DMW na mas mataas ng halos P198 million ang presyo ng biniling ari-arian kumpara sa appraisal ng Land Bank of the Philippines, na nagdulot umano ng direktang pinsala sa pamahalaan.
Ayon pa sa DMW, nagkaroon din umano ng mabilisang proseso sa pagbabayad at nawala ang 51 condominium units na binayaran ng gobyerno.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na tinatayang P97 million ng pondo ng bayan ang maaaring nasayang dahil sa naturang transaksyon.
















