Itinuturing ng Department of Migrant Workers (DMW) na isang malaking tulong para sa mga overseas Filipino workers (OFW) ang naging kasunduan nila ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang nasabing kasunduan ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga OFW na makapagsimula ng kanilang negosyo.
Sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na malaki ang tulong sa ekonomiya ng bansa ng mga OFW subalit hindi masasabi kung hanggang kailan sila sa ibang bansa.
Dahil sa kasunduan ay makaka-access na ang mga OFW-entrepreneur at kanilang mga pamilya sa mga business training at mentorship program ng DTI na magbibigay-daan upang manatili ang mga ito sa bansa habang nagbibigay rin ng trabaho para sa iba.
Tutukuyin at isusumite ng DMW ang listahan ng mga potensyal na benepisyaryo sa mga existing na mga programa at serbisyo ng DTI.
Nakipag-partner rin ang ahensya sa iba pang mga civil society organizations, pribadong sektor, at academic institution.