Magka-iba ang pananaw ng mga mambabatas sa panukalang Divorce Bill.
Ito’y matapos isalang na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 9349 o ang “Absolute Divorce Act.”
Ayon kay Lanao del Norte 1st District Representative Mohammad Khalid Dimaporo, maipapasa lamang ang nasabing panukalang batas sa diborsiyo kung mayruong overwhelming support mula sa mga house members ng 19th Congress.
Naniniwala si Dimaporo na kapag ang Divorce Bill ay magiging divisive issue hindi ito lulusot sa kamara.
Pero para sa mga Muslim legislators pabor sila sa panukalang Divorce Bill.
Sa panig naman ni Manila 1st District Representative Ernesto Dionisio Jr kailangan masimulan na ang debate hinggil sa nasabing panukala upang mabatid ang ibat ibang pananaw ng mga mambabatas.
Hayagang inihayag naman ni La Union 1st District Representative Francisco Paolo Ortega na hindi siya boboto pabor sa panukalang Divorce Bill.
Aniya kaniyang isinusulong na gawing simple ang ilang probisyon sa annulment.
Sinabi ni Ortega na kasalukuyang nagsasagawa sila ng konsultasyon sa mga grupo ng kababaihan hinggil sa gagawing pagbabago sa ilang probisyon sa annulment.
Samantala, inihayag naman ni Marikina Representative Stella Luz Quimbo na kaniya pang pinag-aaralan ang nasabing panukala.
Aniya bukas naman siya sa nasabing usapin lalo na duon sa mga relasyon na may naitatalang physical abuse.