Itinigil na ang diving operations para sa paghahanap sa dalawang nawawalang tao sa malalang banggaan ng dalawang barko sa Corregidor Island, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na patuloy pa rin naman ang search and rescue operations para sa mga nawawalang indibidwal.
Aniya, nagalugad na ng mga awtoridad nang mabuti ang barko at wala umano silang nakita.
Kung matatandaan, noong Biyernes, ang tanker ng kemikal at produktong langis na may bandila ng Marshall Island na MT Petite Soeur at ang dredger na may bandila ng Sierra Leone na MV Hong Hai 189 ay nagbanggaan sa tubig sa Corregidor Island.
Ayon sa ulat ng PCG, tatlo ang nasawi habang 15 ang nakaligtas.
Dagdag dito, sinabi ni Balilo na pinaplano ng mga awtoridad na hilahin ang dredger sa isang mababaw na bahagi ng Mariveles, Bataan.
Ito ay upang mai-check aniya ang ilalim ng karagatan at pagkatapos ay tatapusin na ang search and rescue operations.
Ang MV Hong Hai 189 ay nagmula sa Botolan, Zambales at may sakay na 20 tripulante habang umalis naman ang MT Petite Soeur sa daungan ng Mariveles, Bataan bago nangyari ang insidente.










