Isinusulong ng House Joint Committee on Special Privileges na taasan ng mga kaukukang ahensya ng pamahalaan ang diskwento ng mga senior citizen sa “basic goods” sa limang daang piso (P500.00) kada buwan.
Sa pagdinig ng Committees on Ways and Means, Senior Citizens at PWDS, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na mayroong direktang utos si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na taasan ang diswento, mayroon mang booklet o wala.
Ayon kay Salceda, inatasan ng joint committee ng Kamara ang Department of Trade and Industry o DTI at Department of Agriculture na taasan ang senior citizen’s discount sa basic goods, mula P65.00 kada linggo tungo sa P125.00 kada linggo, o P500.00 kada buwan.
Sinabi ni Salceda, batay sa food inflation rates, na nakita nila na ang “total value” ng diskwento ay dapat mai-adjust sa P126.31.
Kaya bilang chairman ng Ways and Means Panel, ang kanyang suhestyon ay gawin itong P125.00.
Dagdag pa ni Salceda, dapat ay agad na i-adjust ng DTI at DA ang rates, upang maramdaman din kaagad ng mga lolo at lola ang naturang benepisyo.